Mga senador tutol sa rekomendasyong kasuhan si exPNoy dahil sa Dengvaxia controversy

Karamihan umano ng mga senador na pumirma sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ang tutol sa rekomendasyon na kasuhan si dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pumirma siya sa draft report pero tutol na papanagutin si Aquino.

Pabor si Recto sa ilang nakasaad sa report gaya ng pagtulong sa mga batang naturukan ng Dengvaxia at ang pagsasampa ng kaso laban sa gumawa ng bakuna na Sanofi Pasteur.

Isusulong ng senador sa plenaryo ang amyenda o pagbago sa panukalang kaso laban kay Aquino lalo na’t mayorya ng pumirma sa report ay hindi anya pabor na kasuhan si Aquino.

Ang iba pang pumirma na sa report ay sina Senador Tito Sotto, Gregorio Honasan, Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, Nancy Binay, Grace Poe, Sherwin Gatchalian, at Manny Pacquiao.

Pero gaya ni Recto, pumirma na may reservations sina Poe at Gatchalian.

Read more...