AMLC, sinita ng COA dahil sa pagbili ng mga iPhone para sa kanilang mga imbestigador

AP Photo

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa pagbili ng 16 na iPhone 7 units para sa kanilang mga imbestigador.

Ayon sa COA, hindi nag-conform ang pagbili ng Apple iPhone 7 units sa aprubadong annual procurement plan ng ahensya noong nakaraang taon.

Ayon sa COA, una nang nagrequest ang AMLC ng realignment ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM) para sa pagbili ng iba’t ibang capital outlays, kabilang rito ang 24 na cellular phones na nagkakahalagang 25 thousand pesos ang bawat isa.

Ang mga cellphone units umano ay gagamitin ng mga financial investigators kapag nagsasagawa ng bank inquiry, surveillance, at data gathering.

Pero ayon sa COA, sa bagong purchase request na may petsang December 15, 2017, binawasan ng ahensya ang bilang ng cellphone at ginawa itong 16, at binili ang mamahaling iPhone na nagkakahalaga ng P37,388.88 ang bawat isa.

Paliwanag naman ng AMLC, napili nilang bilhin ang iPhone dahil mas maganda ang security features nito kumpara sa mga Android devices.

Read more...