Ayon sa Ombudsman, kinasuhan ng limang kaso ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Anti-graft and corrupt practices act si former Mayor Montasir Sabal.
Ayon sa Ombudsman, hindi idineklara ni Sabal ang kanyang 13 baril, apat na mamahaling sasakyan kabilang ang isang Hummer, Ford Ranger, Toyota Land Cruiser at isang Toyota Hilux sa kanyang SALN mula 2011 hanggang 2015.
Mayroon rin umanong negosyo si Sabal sa mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Talitay na hindi niya isinaad sa kanyang SALN.
Depensa naman ng dating alkalde, kasalanan ng kanyang staff na hindi isinama ang mga baril sa kanyang SALN bago ito isinumite.
Ikinatwiran din niya na maliit lamang ang mga negosyo, at ang mga sasakyang nabanggit ay kanya lamang inutang sa bangko at hindi pa talaga ito kanya.
Sinabi naman ng Ombudsman na nakasaad sa batas na kailangang i-deklara ng lahat ng opisyal ng gobyerno ang lahat ng kanilang pag-aari, anumang paraan ito binili o nakuha.
Una na rito ay dinismiss ng Ombudsman sa pwesto si Sabal matapos mapatunayang guilty sa maling pagdedeklara ng SALN at hindi epektibong paglilingkod bilang alkalde ng Talitay, Maguindanao.