Ikinagulat ng mga opisyales ng Land Tranportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-amin ng may-ari ng Dimple Star Transport na nabili nila sa junkshop ang naaksidenteng bus sa Occidental Mindoro noong March 20.
Inamin ng may-ari ng Dimple Star Transport na si Gilbert napat na mula sa chop-chop at nabili nila sa junkshop ang naaksidenteng bus na may nasawing labing siyam na pasahero.
Ipinaliwanag pa ni Napat na muli nilang inayos ang bulok na bus at kinondisyon ang makina, pininturahan para magmukhang bago.
Noong 2009 unang bumiyahe ang bus na naaksidente makaraan itong makalusot sa mga panuntunan ng Land Tranportation Office at LTFRB.
Dahil pumasa sa mga requirements ay nabigyan ito ng plate number na TYU-708 ayon pa sa may-ari ng Dimple Star Transport.
Ikinatwiran pa nito na ang tubig-dagat ang naging dahilan kaya mabilis na nabulok ang kanilang bus na kadalasang isinasakay sa mga Ro-Ro.
Hindi naman makapaniwala si LTFRB Chairman Martin Delgra na nabili lamang sa junkshop ang naaksidenteng bus.
Isa umano itong halimbawa na dapat madaliin na ang modernization project para sa mga pampublikong sasakyan sa bansa.
Mananatili pa ring suspendido ang operasyon ng nasabing bus company habang isinasailalim sa inspeksyon ang iba pa nilang mga units.
Isinalang na rin sa drug test pati ang mga driver ng Dimple Star Transport.