Ipinasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang air passenger rights bill.
Sa nasabing panukala, inilista lahat ng mga karapatan ng mga pasahero sa tapat at makatotohanang impormasyon tungkol sa kanilang byahe, makatwirang bayad sa mga serbisyo, at tamang kompensasyon.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ay ang right to redress and compensation kung saan nakasaad na dapat ay mabigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga pasaherong makararanas ng delay o kanselasyon ng flight.
Kasama dito ang libreng pagkain at inumin, text, tawag at internet service para sa mga made-delay ang flight.
Para naman sa mga kanselado ang flight, dapat ay mabigyan sila ng libreng pagkain at inumin, hotel accomodations na malapit sa airport na may kasamang libreng transportasyon papunta at pabalik, at libreng tawag, text, at internet service.
May karapatan na ring i-reimburse ng mga pasaherong maaabala ng kanseladong flight ang kabuuan ng kanilang ibinayad para sa ticket sa loob ng limang araw, ito ay kung kasalanan ng airline ang nasabing aberya.
Sakali naman na ang aberya ay dulot ng kompromiso sa seguridad at kaligtasan, may karapatan na rin ang mga pasahero na i-rebook ang kanilang biyahe, i-reimburse ang kanilang ibinayad o mailipat sa ibang airline.
Nakasaad rin sa panukala na hindi maaaring pigilan ang isang pasahero sa pagsakay ng eroplano maliban na lamang kung sa ito ay dahil sa immigration issues, safety, security at health concerns.
Kung hindi naman makakasakay ang pasahero dahil sa overbooking, may karapatan ito na humingi ng refund, rebooking o kaya ay ma-endorso sa ibang carrier.
Ang nasabing panukala ay para sa mga airline companies na madalas nagkakaaberya.
Mauuwi naman sa pagkasuspinde o pagkatanggal ng prangkisa at lisensya ang anumang airline na lalabag sa mga batas na ito.