Handang tumakbo sa pagka-alkalde si Makati City Rep. Mar-Len Abigail “Abi” Binay sakaling hindi na kailanman mapayagang kumandidato ang kaniyang kapatid na si suspended Makati Mayor Junjun Binay.
Ito ay dahil sa tuluyan nang pagpapatalsik ng Office of the Ombudsman kay Junjun dahil sa kasong grave misconduct at serious dishonesty kaugnay sa ma-anomalyang Makati parking building.
Ayon kay Abi, hindi niya intensyong ialis ang kaniyang kapatid sa nasabing posisyon, pero kung talagang kinakailangan at hindi na muling mapapayagang tumakbo si Junjun, malamang aniya ay siya ang tatakbo para sa kapatid.
Dagdag pa ni Abi, ito na ang huli niyang termino sa kongreso, kaya kung tatakbo siya sa pagka-alkalde, ang kaniyang asawa na si Luis Campos ang patatakbuhin niyang kandidato sa pagka-kongresista ng lungsod sa susunod na taon.
Aniya, kahina-hinala ang timing ng desisyon ng Ombudsman na tanggalin sa posisyon ang kaniyang kapatid, na ginawa ilang araw bago ang paghahain ng certificate of candidacy sa October 12.
Malamang aniya isa itong hakbang para targetin at paatrasin ang kaniyang amang si Vice President Jejomar Binay na tatakbo sa pagka-pangulo sa darating na halalan.
Tiniyak naman ng kongresista na hinding hindi aatras ang kaniyang ama sa kaniyang kandidatura kahit anong mangyari.
Samantala, maghahain rin aniya ang kaniyang kapatid ng motion for reconsideration sa Ombudsman kaugnay sa kaniyang pagkakatanggal sa posisyon.