P37M allowance ng SAF commandos ibinalik ng isang PNP official

Ibinalik ng fiscal officer ng sinibak na Special Action Force chief Benjamin Lusad ang aabot sa P37-million allowance ng SAF troopers’ sa Philippine National Police.

Ayon kay outgoing PNP Ronald “Bato” Dela Rosa, isinoli ni Senior Superintendent Andre Dizon ang nasabing halaga kay SAF Chief Noli Taliño.

Paliwanag ni Dela Rosa, unang ibinalik ni Dizon ang halagang P10-million at nasundan ng P27-million na kaagad din namang ipinamahagi sa mga miyembro ng PNP-SAF.

Gayunman, sinabi ng opisyal na hindi ito nangangahulugan na ia-atras na ang reklamo at ihihinto na ang imbestigasyon dahil sa pagbabalik ng pera.

Hindi naman masabi ni Bato kung nasaan ang nalalabi pang pera mula sa kabuuang P59.8 million na allowance ng SAF commandos.

Nauna rito sinibak sa puwesto ni Dela Rosa bilang pinuno ng Directorate for Integrated Police Operations in Southern Luzon si Lusad.

Bukod kay Lusad, sibak din sina Dizon, SPO2 Maila Bustamante at SPO1 Jack James Irica na pawang mga nakatalaga sa Finance Department ng PNP-SAF.

Ang mga sinibak ang sinasabing nasa likod ng maanomalyang paggasta ng allowance ng mga SAF commandos.

Read more...