“Better late than never”.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggawad ng Medalya ng Kagitingan sa
Tinaguring SAF 44 o mga kasapi ng Special Action Force na napatay sa bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong January, 2015.
Matapos kasi ang tatlong taon, ngayon lamang nagawaran ng medalya ang 42 SAF members.
Nauna na kasing nabigyan ng kahalintulad na pagkilala ni dating Pangulong Noynoy Aquino sina Senior Insp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron.
Sa talumpati ng pangulo, sinabi nito na sinasaluduhan niya ang kagitingan ng PNP-SAF na nagbuwis ng buhay para lamang hulihin ang isa sa mga most wanted na terorista sa buong mundo na si Zulkifli Bin Hir, Alyas “Marwan”.
Tiniyak din ng pangulo na bibigyan niya ng hustisya ang pagkamatay ng SAF 44 bagaman alam niyang aabutin pa ito ng mahabang panahon.
Pero ayon sa pangulo hindi lamang sa paggawad ng medalya at mga seremonya dapat na idaan ang pagkilala sa kagitingan ng mga nasawing SAF personnel kundi dapat na isabuhay ito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan sa bansa.
Tiniyak pa ng pangulo sa pamilya ng SAF 44 na manantiling magbibigay ng ayuda ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabahay, hanapbuhay at scholarship sa mga naulila nila.