Mananatili sa bilangguan si Senador Leila de Lima.
Ito ay makaraang pinal na kilalanin ng Korte Suprema
ang hurisdiksyon ng Muntinlupa Regional Trial Court sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na inihain ng Department of Justice laban sa senadora.
Sa deliberasyon ng Supreme Court En Banc kaninang umaga, napagpasyahan ng mga mahistrado na ibasura ang motion for reconsideration ni De Lima.
Matatandaan na iginiit ni De Lima na may bahid ng iregularidad ang utos na pagpapaaresto sa kanya ng mababang hukuman dahil inilabas ito nang hindi pa naman nadedesisyunan ang inihain niyang motion to quash na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng RTC sa kanyang kaso.
Para kay De Lima, hindi RTC ang may hurisdiksyon sa kaso, dahil ang tamang tanggapan umano na dapat na nagsagawa ng preliminary investigation ay ang Ombudsman at kung sakali ang kaso ay dapat na iniakyat sa Sandiganbayan dahil siya ay mataas na opisyal sa gobyerno.
Pero nanindigan ang Korte Suprema sa nauna nitong desisyon noong October 2017 na ang mga Regional Trial Court ang may hurisdiksyon sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon sa Korte Suprema, kahit ang akusado ay umookupa ng Salary Grade 27 o pataas na posisyon sa gobyerno, ang RTC pa rin ang may exclusive original jurisdiction sa mga paglabag sa ilalim ng RA 9165 kahit pa ang paglabag ay may kaugnayan sa posisyon sa gobyerno ng akusado.