Magbabalik sa manual voting ang Commission on Elections (Comelec) sa eleksyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa May 14.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, pula ang imprenta ng mga balota para sa SK habang itim naman ang imprenta ng mga balota para sa Barangay positions.
Kinakailangang isulat ng mga botante ang pangalan ng kandidatong iboboto nila.
Ayon kay Jimenez, hindi kinakailangang mapunan ng botante ang lahat ng posisyon.
Magkakaroon naman ng “assistor” ang mga botanteng hindi makakapagsulat.
Kinakailangang kapamilya, kamag-anak o election officer sa presinto ang magsisilbing “assistor.”
Ang mga botanteng may edad 15 hanggang 17 ay bibigyan ng balota ng SK.
Bibigyan naman ng balota ng Barangay ang mga edad 31 pataas, habang parehong balota ng SK at Barangay ang ibibigay sa mga edad 18 hanggang 30.
Ipinahayag ni Jimenez na isang balota lamang ang ibibigay sa bawat botante at hindi papayagan ang paghingi ng dagdag na balota.
Naimprenta na ang 77 milyong balota para sa nalalapit na halalan.