Kampante ang Malakanyang na mapapabuti na ang pinansyal ng mga guro at iba pang kawani ng Department of Education (DepEd) kasunod ng nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Government Service and
Insurance System (GSIS) at DepEd.
Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na layunin ng MOA na maiahon sa pagkakautang ang mga guro at iba pang kawani ng ahensya sa mga shark loan o ang mga lending office na nagpapautang at naniningil ng malaking tubo.
Ayon kay Go, nakasaad din sa MOA na aayusin ang mga loans nila sa pamamagitan ng refinancing upang mapangalagaan ang kanilang mga benepisyo mula sa GSIS.
Anim na porsyento lamang kada taon ang sisingilin ng GSIS sa mga guro at may mas mahabang loan term na hanggang anim na taon.
Binigyang-diin ni Go na isa na namang pangako ng pangulo ang natupad sa pagtutulungan ng mga ahensya sa gobyernong Duterte.
Ipinaalala din ni Go ang patuloy na pagsisikap ng Duterte government na mapagaan ang pasanin ng mga guro
at iba pang empleyado ng gobyerno at mabigyan ng mas maayos na compensation ang mga ito.
Kasama ng pangulo si Go na sumaksi sa MOA signing sa palasyo noong Lunes.