Paglabag sa election gun ban ang haharaping kaso ng isang retiradong pulis matapos nitong magyabang at maglabas ng baril sa harap ng mga Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakilala ang retiradong pulis na si Roberston Estrella ngunit tumanggi ito na ipagbigay-alam ang kanyang ranggo at police station na dating pinagsilbihan.
Kwento ni MMDA traffic constable Wilson Balceta, pinahinto niya ang UV Express na sinasakyan ni Estrella upang kumpirmahin ang rutang binabyahe nito.
Ngunit dahil natagalan ang paglalabas ng mga dokumento ng driver ay tila nainip si Estrella at nilapitan si Balceta upang magreklamo.
Nagyabang si Estrella at sinabing pulis ito.
Nang hingan ng lisensya na magpapatunay sa kanyang pagiging pulis ay inilabas ni Estrella ang kanyang baril.
Dito na humingi ng backup ang mga kawani ng MMDA mula sa mga pulis na silang umaresto kay Estrella.
Sa ngayon ay nakaditine si Estrella sa Quezon City Police District (QCPD) Station 6.
Paalala naman ni Superintendent Rossel Cejas na siyang hepe ng QCPD Station 6 sa lahat ng mayroong baril, bagaman mayroong license to carry ay kailangan pa rin na mag-secure ang mga gun holders ng gun ban exemption lalo na’t panahon na ngayon ng eleksyon.