Palalayain na ngayong araw ng bureau of immigration ang isang 71-anyos na human rights advocate na madreng Australian Citizen na si Sr. Patricia Fox matapos arestuhin lunes ng tanghali sa kanyang bahay sa Quezon City.
Ito ay makaraang irekomenda ng piskalya na palayain si Sister Fox sa sandaling mai-produce na niya ang kaniyang pasaporte.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abugado ni Fox, nasa travel agency kasi ang passport ni Fox dahil inaayos ang kaniyang pagbalik sa Australia sa susunod na buwan.
Magdamag na nanatili sa tanggapan ng BI si Fox makaraang dakipin noong Lunes sa bisa ng mission order na ipinalabas ni Commissioner Jaime Morente.
Si Fox ay superior ng Notre Dame De Sison sa Pilipinas at mayroong hawak na missionary visa at 27 taon nang naninirahan sa Pilipinas kung saan balido ito hanggang September 2018.
Sinabi ni Fox na anim na mga tauhan ng BI ang dumating sa kanyang bahay sa Project 2, Quezon City lulan ng dalawang sasakyan.