Reparation para sa mga IDPs sa Marawi, iginiit

Malaking tulong para sa mga internally displaced person mula sa Marawi City ang panukala ng pamahalaan na reparation sa mga hindi nabigyan ng temporary shelter.

Ayon kay dating Lanao del Sur Governor Saidamen Pangarungan, magagamit ang sinasabing pambayad ng sa mga IDP upang muli silang tumayo sa kanilang sariling mga paa sa pamamagitan ng pagnenegosyo.

Paliwanag ni Pangarungan, kilalang mga negosyante ang mga Maranao kaya magagamit nila ang reparation pay para sa mga nasira nilang bahay upang makapagtinda.

Base anya sa mga ulat ang mga hindi nabigyan ng bahay sa temporary shelter sa Barangay Sagonsongan, Marawi City ay bibigyan ng financial assistance ng pamahalaan kung saan P75,000 para sa nawasak na wooden house, P150,000 para sa bungalow house at P300,000 kung ang nasirang bahay ay dalawang palapag.

Mayroon anyang 12,000 bahay ang nawasak ng limang buwang giyera sa Marawi at kung ang bawat isa sa mga ito ay bibigyan ng tulong na nasa average na P150,000 aabot lamang ito sa kabuuang P1.8 billion.

Masyado anyang maliit ang nasabing halaga kumpara sa P8 billion na ginastos ng gobyerno sa panahon ng giyera at sa panimula ng rehabilitasyon.
Paliwanag ni Pangarunga, ang halagang ibibigay sa mga apektado ng giyera ay gagawing advance ng mga ito sa makukuha nilang reparation pay oras na pumasa ang Reparation o Compensation Bill.

Pinasalamantan naman ni Pangarungan ang ginagawa ng Pangulong Rodrigo Duterte upang muling maibalik ang sigla ng Marawi City na nag-iisang Islamic City sa bansa kung saan nais anya ng pangulo na maging isang world class city ang nawasak na lungsod.

Samantala, nagpahayag naman ito ng pangamba sa ulat ng militar na muli na namang nagsasagawa ng recruitment ang Maute-ISIS Group.

Ayaw na anya nilang maulit pa ang panibagong Marawi war.

Read more...