Pagpuslit ng mga sigarilyo, talamak umano dahil sa pagtaas ng presyo

File photo

Talamak umano ang pagpuslit ng mga sigarilyo dahil sa pagtaas ng presyo bunsod ng tumaas na excise tax sa ilalim ng Tax Reform Program ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Internal Revenue Commissioner Caesar R. Dulay, nasabat ng Bureau of Customs noong nakaraang linggo ang 18.5 million pesos na halaga ng mga pekeng sigarilyo mula China.

Nagkalat aniya ang smuggled na mga sigarilyo kaya bumuo ang BIR ng task force na tutugon sa aktibidad dahil nagpatulong na rin sa kanila ang malalaking kumpanya ng mga sigarilyo gaya ng Philip Morris at Japan Tobacco.

Bagamat hindi tiyak ni Dulay ang ekasktong dami ng umanoy puslit na mga sigarilyo na pumapasok sa Pilipinas mula sa ibang bansa, sinabi ng BIR Chief na marami ito dahil nagrereklamo ang mga tobacco companies.

May natanggap din na report ang ahensya na may ilang manufacturers sa mga probinsya ang gumagawa ng mga pekeng sigarilyo, patunay anya ang ginawang mga raid ng National Bureau of Investigation at pulisya.

Aminado si Dulay na naging talamak ang smuggling matapos na itaas ng gobyerno ang buwis sa mga sigarilyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN act.

Read more...