Inamin ng Malacañang na hindi pa malalagdaan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order laban sa kontraktuwalisasyon.
Pero ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pursigido ang pangulo na tuparin ang ang kanyang pangako sa taong bayan noong panahon ng kampanya na tutuldukan niya ang Endo.
Umaapela naman si Roque na maiging maghintay hintay lamang ng maiksing panahon at lalagdaan din ng pangulo ang nasbaing E.O.
Ito ay kahit wala aniya sa kalendaryo ng palasyo na lalagdaan na ng pangulo ang nasabing kautusan taliwas sa mga pahayag ng iba’t ibang labor group.
Nauna nang sinabi ni Alex Tanjusay ng Associated Labor Unions- Trade Union Congress of the Philippines, o ALU-TUCP na sa araw na ito pipirmahan ng pangulo ang kautusan nitong tigilan na ang Endo.
Maari aniyang hindi pa agad na nalagdaan ng pangulo ang E.O dahil nakapaloob ito sa isang tripartite agreement.
Nangangahulugan ito na mayroong pagkakaisa ang gobyero, ang mga employer at ang sektor ng paggawa.