Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat na putaktihin ng mga tagasuporta ng pangulo ang Facebook at sabihin na mali ang kanilang napiling third party verifier na sumuri sa mga fake news.
Iginiit pa ni Roque na mismong ang Rappler ang nagpapakalat ng mga mga maling balita at impormasyon.
Inihalimbawa pa ni Roque ang kanyang sarili na nabiktima ng fake news ng Rappler dahil sa isinulat na balita na bawal daw na magsagawa ng scientific research ang mga Filipino sa Benham Rise gayung ang kanyang sinabi ay hindi na kinakailangan na kumuha ng permiso ang mga Pinoy researcher para gawin ito.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Undersecretary for New Media Lorraine Badoy na magpoportesta ang PCO sa pagpili ng Facebook sa Rappler at Vera Files.
May ginagawa na aniyang hakbang ang kanilang tanggapan para makipagpulong sa Facebook.