MIAA, tiniyak ang kahandaan ng NAIA ngayong summer season

Matapos ideklara ng PAGASA ang pagsisimula ng summer season ay tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na handa ang Ninoy Aquino International Airport Authority (NAIA) para sa panahong ito.

Sa isang pahayag sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa airport para pumunta sa iba’t ibang destinasyon.

Dahil dito nanawagan si Monreal sa mga local carriers na mayroong domestic flights na siguruhing hindi magkakaroon ng mahahabang pila sa mga check-in counters dahil sa kakulangan ng personnel at delayed na pagbubukas nito ng kanilang counters.

Iginiit ni Monreal na isang ‘family matter’ ang summer season’ at dapat ikonsidera na ang mga magulang ay maglalakbay kasama ang kanilang mga anak.

Tiniyak din ni Monreal na natapos na ang pagpapalit sa mga depektibong cooling coils at nakapaglagay na ng mga airconditioning units partikular sa NAIA Terminal 3.

Dahil dito anya ay makakaasa ang mga pasahero ng mas ‘convenient’ at ‘relaxing’ na kondisyon habang naghihintay sa kanilang flights.

Ipinag-utos na rin ang pagbabantay sa taxi operations sa mga terminal at nagpasalamat si Monreal sa LTFRB at I-ACT para masiguro ang ligtas at maayos na transport operations sa NAIA.

Ipinag-utos din ni Monreal sa apat na terminal managers na siguraduhing gumagana ang lahat ng mahahalagang pasilidad sa mga terminal.

Read more...