Lumabas sa panibagong pag-aaral na tumaas ng isang taon ang life expectancy ng mga residente ng Stockholm, Gothenburg, at Malmo sa Sweden matapos magkaroon ng pagbaba sa lebel ng air pollution sa mga nasabing lungsod.
Batay sa pag-aaral ng Department of Environmental Sciences and Analytical Chemistry (ACES), mas mataas na ang life expectancy kung ikukumpara sa naging resulta ng kanilang pag-aaral mahigit 25 taon na ang nakararaan.
20 micrograms per cubic meter ang ibinaba ng nitrogen oxide sa hangin sa mga lungsod ng Stockholm, Gothenburg, at Malmo noong 2015 kung ikukumpara sa 40 hanggang 60 micrograms noong 1990.
Ayon sa isa sa mga may-akda ng pag-aaral na si Henrik Olstrup, gumanda ang kalidad ng hangin sa tatlong mga lungsod at bilang resulta ay umayos rin ang kalusugan ng mga residente, dahilan para naman humaba ng isang taon ang kanilang mga buhay.
Aniya, partikular na nakatulong sa mas magadang kalusugan ng mga tao sa Sweden ang pagbaba ng road traffic emissions o mga usok na mula sa mga sasakyan.
Lumabas rin sa pag-aaral na nadagdagan ng 4 hanggang 5 taon ang life expectancy sa tatlong mga lungsod dahil sa pagbaba naman ng bilang ng mga naninigarilyo at mas epektibong panggagamit sa mga cardiovascular diseases.