Naka-focus na ngayon ang De La Salle University Lady Spikers sa Final Four.
Ito ay matapos nilang manalo kontra Ateneo de Manila University Lady Eagles at mapanatili ang top spot ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.
Nagtapos ang tapatan ng rival teams sa iskor na 26-24, 25-17, at 25-19, pabor sa Lady Spikers. Naganap ang kanilang laban sa Mall of Asia Arena.
Dahil sa nasabing pagkapanalo ay 12-2 ang win-loss record ng La Salle, habang 9-5 naman ang Ateneo na nasa ikatlong pwesto.
Pinangunahan ni Kianna Dy ang Lady Spikers matapos nitong magtala ng 13 puntos, na sinundan ni Desiree Cheng na may 12 points, at Tin Tiamzon na nakapagbigay naman ng 11 points.
Para naman sa Lady Eagles, si Kat Tolentino ang nanguna sa kanyang 15 puntos.
Susunod na makakalaban ng La Salle ang National University Lady Bulldogs para sa Final Four ng torneo.