Tinawag na duwag ni Senador Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ng pangulo na ipaaaresto niya si International Criminal Court (ICC) chief prosecutor Fatou Bensouda kung magsasagawa ito ng imbestigasyon tungkol sa kampanya ng Duterte administration laban sa iligal na droga.
Ayon kay Trillanes, natatakot lamang si Pangulong Duterte na maimbestigahan ng ICC kaya ito nagbanta na aarestuhin si Bensouda.
Sa isang panayam, sinabi pa ni Trillanes na hindi naman nakapagsagawa ng lehitimong imbestigasyon ang Kongreso tungkol sa mga extrajudicial killings sa bansa, kaya kailangan nang pumasok ng ICC.
Aniya pa, bagaman sinabi na ng pangulo na nagdesisyon na itong bawiin ang ratification ng Pilipinas sa Rome Statute ay opisyal pa ring nananatiling miyembro at nasa ilalim ng ICC ang bansa.
Samantala, sinabi naman ni Intergrated Bar of the Philippines (IBP) president Abdiel Dan Elijah Fajarado na hindi maaaring maaresto si Bensouda dahil mayroon itong diplomatic immunity.