Hindi na kailangan pa na pakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kapartido sa Partido Demokratiko Pilipino Laban o PDP Laban sa Kamara para madaliin na ang pagpapa-impeach kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Oriental Mindoro congressman Reynaldo Umali, chairman ng House committee on Justice na ito ay dahil sa matibay ang sinasandalan ng impeachment complaint laban kay Sereno.
Nakahanda na aniya ang kanilang hanay na patalsikin si Sereno.
Sinabi pa ni Umali na sa ngayon ay naghihintay na lamang ang mga kongresista na mag resume ang sesyon sa Mayo 15 para pagbotohan na sa plenaryo ang rules of impeachment.
Kumpiyansa si Umali na dahil sa super majority sa Kamara, magiging overwhelming ang makukuhang boto para mapatalsik si Sereno.
Kasabay nito, sinabi ni Umali na isinasapinal na ng kanilang hanay ang listahan ng mga magiging prosecutor para sa impeachment proceedings.
Pinakakalma rin ni Umali ang publiko dahil hindi maantala ang pagdinig sa ibang nakabinbing panukalang batas sakaling umarangkada na ang impeachment proceedings laban kay Sereno.