Ipinag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) na kasuhan ang sinumang pasahero na magdudulot ng aberya sa mga tren ng MRT-3.
Sa inilabas na pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ipinag-utos nito na alamin kung sino ang pasahero ng tren na pinilit buksan ang pintuan ng tren noong Biyernes, April 13, na naging sanhi ng pagpapababa ng mga pasahero.
Ikinadismaya rin ni Tugade ang insidente na sumira sa 11 araw na sunod-sunod na kawalan ng aberya ng MRT.
Ayon kay Tugade, naging maayos ang operasyon ng MRT sa mga nakaraang araw, at sinadya ng pasahero na buksan ang pinto upang makasakay.
Ayon pa sa kalihim, magdadagdag sila ng seguridad at CCTV cameras sa loob ng tren upang tiyaking hindi na pipiliting buksan ang pintuan at sandalan ito.
Matatandaang halos 1,000 pasahero ang pinababa noong Biyernes ng umaga, at muling pinasakay sa sumunod na tren na dumating makalipas ang apat na minuto.