Halos 400 loose firearms, isinuko sa mga awtoridad sa Nueva Ecija

Photo courtesy of Armand Galang, INQUIRER Central Luzon

Isang araw bago ang pag-arangkada ng gun ban sa pagsisimula ng election period para sa Barangay at SK elections ay aabot sa halos 400 loose firearms ang isinuko sa mga awtoridad sa Nueva Ecija.

Nasa kustodiya ng Police Provincial Office (PPO) ang mga naturang armas at iprinisenta sa media.

Ayon sa mga awtoridad 389 sa mga armas na ito ay isinuko mismo ng mga may-ari sa PPO habang anim naman ang nakumpiska sa mga police operations.

Ayon kay PRO3 Director Chief Superintendent Amador V. Corpus, hindi lamang doble kundi triple ang kanilang pagkayod para masigurong magiging ligtas at maayos ang seguridad sa magaganap na halalan sa May 14.

Sinabi naman ni Nueva Ecija Police Director Senior Supt. Elideo Tanding na patuloy nilang kakatukin ang mga pintuan ng mga gun owners na nabigong mag-renew ng kanilang mga license to carry firearms.

Nagsimula na ang pagpapatupad ng gun ban sa buong bansa kahapon, April 14.

Read more...