Hindi pa man pormal na sinisimulan ang 2018 Palarong Pambansa na nakatakda ngayong araw sa Vigan, Ilocos Sur ay may napili nang host city para sa edisyon nito sa susunod na taon.
Kinumpirma sa pre-event press conference ng 2018 games sa Vigan Convention Center kagabi na ang Davao City ang host ng edisyon ng athletic event sa 2019.
Wagi sa bid ang Davao City laban sa General Santos City, Misamis Occidental at Zamboanga Del Sur.
Ayon kay City Assistant Administrator Lawrence Batindig, ang hosting ng lungsod sa naganap na Davao Region Athletic Association (Davraa) Meet noong Pebrero ay nakatulong upang makamit ng lungsod ang hosting rights para sa 2019 Palaro.
Bagaman ito ang hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nilinaw naman ni DepEd Secetary Leonor Briones na hindi nakaimpluwensya ang presidente para sa desisyon sa pagpili ng host city.
Samantala, nakatakda namang dumalo ang pangulo sa opening ceremony ng Palarong Pambansa ngayong araw.