Matapos humingi ng tawad sa kinahantungan ng paghahawak sa kaso ng sex abuse sa Chile si Pope Francis ay inimbitahan ng Vatican ang tatlo sa mga survivors nito upang makausap ang Santo Papa.
Matatandaang noong Miyerkules, umamin ang lider ng Simbahang Katolika na nagkaroon ng “grave errors” sa naging paghawak sa sex abuse scandal sa Chile partikular sa kaso ni Chilean Bishop Juan Barros.
Sa panayam ng Associated Press sa isa sa mga tatlong survivors na si Juan Carlos Cruz ay sinabi nitong nakatakda ang kanilang meeting sa Santo Papa sa April 28 hanggang 29.
Ayon kay Cruz, pumayag sila sa imbitasyon upang personal na makahingi ng tawad ang Santo Papa sa anya’y tila pang-iistsapwera nito sa isyu nang tumungo ito sa Chile.
Maaari anyang nabuksan na ang mata ni Francis sa realidad ng maraming kabataang naabuso ng iilan sa mga kaparian.
Magkakaroon umano ng individual at group meetings kay Pope Francis ang tatlo sa loob ng dalawang araw at nais umano ng Santo Papa na makagugol ng mahabang oras ang mga ito.
Mananatili ang mga ito sa Domus Sanctae Marthae, ang Vatican Hotel kung saan naninirahan si Pope Francis.