Mga upos na sigarilyo bibilhin ng SBMA

INQUIRER File Photo

Upang mabawasan ang kalat sa Subic Bay ay inilunsad ng Subic Bay  Metropolitan Authority (SBMA) ang programang “Heaviest Butt Campaign” na  nasa ilalim naman ng kanilang “War on Waste Advocacy.”

Sa ilalim ng naturang programa, bibilhin ng SBMA Ecology Center ang mga upos  na sigarilyo sa halagang P300 kada kilo.

Layunin ng SBMA Ecology Center na sabay na malinis ang Subic Bay mula sa kalat at makakolekta ng 20 hanggang 60 kilo ng upos na sigarilyo para sa isang pag-aaral.

Pag-aaralaan ng naturang organisasyon kung maaari bang tanggalin amoy at  toxicity ng mga upos na sigarilyo para magamit pang-recycle.

Titingnan rin ng Ecology Center kung pwede bang magamit sa paggawa ng hollow blocks ang  mga upos na sigarilyo.

Ayon sa pinuno ng SBMA Ecology Center na si Ameth dela Llana, lumabas sa  mga pag-aaral na aabot sa 4.5 trilyong mga upos na sigarilyo ang naitatapon sa  buong mundo kada taon.

At dahil sa amoy at toxins ng sigarilyo ay hindi mai-recycle ang mga ito, bukod  pa sa halos 12 taon bago tuluyang ma-decompose o matunaw sa lupa ang mga sigarilyo.

Read more...