Sa isang talumpati para sa 9th Philippine League of Local Environment and Natural Resources Officers (PLLENRO) convention sa Davao City ay sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na malaki na ang improvement sa kalidad ng tubig sa isla ng Boracay.
Aniya, nasa 2,400 units na ngayon ang volume ng pollutant sa tubig, bagaman ang safe level ay nasa 400.
Dagdag pa ni Cimatu, inaalam nila ang mga establisyimento na gumawa ng sarili nilang sewage system kung saan pinadadaan ang mga pipes sa ilalim ng lupa at direktang konektado sa tubig ng Boracay. Ito aniya ang pangunahing dahilan kung bakit marumi ang tubig sa isla.
Ayon pa sa kalihim, hangga’t hindi pa bumabalik sa safe level o standard level ang kalidad ng tubig sa isla ng Boracay ay hindi pa niya masasabi na tapos na ang rehabilitasyon dito ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Cimatu na kailangan ng DENR ang tulong ng mga local government units (LGUs) upang matutukan ang kalinisan ng kapaligiran. Katulad na lamang aniya sa Boracay na dapat ay katuwang nila ang lokal na pamahalaan ng Malay upang maisaayos muli ang isla at mamonitor ang mga galaw ng mga establisyimento dito.
Aniya pa, dapat ang mga LGU ang unang nagpapatupad ng mga environmental laws sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, sinabi pa ni Cimatu na mayroon na ring banta ng maruming kapaligiran at tubig sa iba pang mga tourist spots sa bansa kagaya ng Panglao Island sa Bohol, Puerto Galera sa Oriental Mindoro, at El Nido at Coron sa Palawan.