Boracay target na gawing venue ng 2019 Miss Universe pageant

Inquirer file photo

Hindi pa man naisasara ang Boracay island para sa rehabilitasyon nito ay gumagawa na ng kaukulang hakbang ang Department of Tourism para i-promote ang muling pagbubukas nito.

Nabatid kasi na bukod sa kasalukuyang problema sa posibleng pagbaba ng turismo sa bansa ay maaaring mahirapan ang bansa sa muling pagpapabalik ng mga turista matapos ang anim na buwan.

Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, gagawa sila ng malaking event oras na matapos ang rehabilitasyon sa isla.

Malaki anya ang posibilidad na kung sa Pilipinas muling gagawin ang Miss Universe ay sa Boracay gagawin ang swimsuit competition.

Bukod dito, sinabi rin ni Teo na mayroon siyang mga nakatakdang scheduled talks sa ibang bansa para i-discuss ang rehabilitation efforts ng pamahalaan sa isla.

Samantala, sinabi naman ni Teo na malaking bahagi ng mga turista na sana sa Boracay pupunta ay nagpapa-rebook sa ibang mga tourist destinations sa bansa partikular na ang Cebu, Palawan, Davao at Surigao.

Kanya ring ibinida ang faith based tourism na pwedeng pagkakitaan ng bansa.

Muli namang iginiit ni Teo na sa posibleng mas bumaba pa sa anim na buwan ang pagsasara ng isla depende sa magiging takbo ng rehabilitasyon.

Read more...