Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, cancer survivor

Benhur Abalos
Kuha ni Rose Cabrales

Nakaligtas sa sakit na cancer si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Abalos na labis siyang naapektuhan ng pagkakulong noon ng kaniyang ama na si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.

Ayon sa alkalde, walong buwan na nakulong ang kaniyang ama sa isang masikip na selda, walang malinis na paliguan, at hindi man lamang nakakakita ng araw.

Ang pagkakakulong na iyon aniya ng kaniyang ama ay labis ding naka-apekto sa kaniyang ina na noon ay para na ring nakakulong dahil araw-araw nasa bilangguan. “Awang-awa ako sa mommy ko, halos hindi na umalis ng kulungan, 8 months na hindi na nakakita ng araw ng tatay ko, 2×3 ang kulungan nya, ang paliguan niya puro kiti-kiti,” ayon kay Mayor Abalos.

Dahil sa labis na pag-alala sa sinapit ng kaniyang ama at ina, sinabi ni Abalos na naka-apekto ito sa kaniyang kalusugan.

Noong panahon na iyon, sinabi ni Abalos na siya ay na-diagnosed na mayroong stage 1 colon
cancer.

Pero sinabi ng alkalde na matapos mabasura ang kaso ng kaniyang ama at ito ay mapalaya, na sinundan pa ng mga positibong pagkilala na tinanggap ng lungsod ng Mandaluyong, nawala aniya ang cancer sa kaniyang katawan.

Itinuturing ni Abalos na biyaya ang pagkakaligtas niya sa nasabing sakit.

Samantala, ikinuwento rin ng alkalde na kamakailan ay sumailalim naman sa operasyon sa spine ang kaniyang ama.

Ayon kay Abalos, nagkaroon ng bali sa spine ang dating Comelec chairman, pero matagumpay naman itong naisailalim sa operasyon sa Singapore at ngayon ay nasa mabuti na ring kondisyon.

Read more...