5 hinihinalang carnapper patay sa engkwentro sa Quezon City

12092208_911797852220107_616774992_n
Kuha ni Ruel Perez

Patay ang limang hinihinalang carnapper sa engkwentro na naganap sa Payatas Road sa Quezon City.

Ang mga carnapper ay sakay ng isang taxi at isang kulay itim na Isuzu Sportivo nang sila ay maka-engkwentro ng mga tauhan ng Anti Carnapping Unit ng Quezon City Police District.

Ayon kay Chief Inspector Richard Ang, hepe ng QCPD-AnCar, una nang inalerto ang taxi na gamit ng mga suspek dahil tinangay ito sa taxi driver kaninang madaling araw.

Ang Isuzu Sportivo naman na sinasakyan ng iba pang suspek ay nakita ng mga tauhan ng QCPD sa bahagi ng Commonwealth Avenue kaninang alas 9:00 ng umaga na walang palaka at mayroon lamang nakasulat na ‘lost plate’.

Dahil dito, naghinala ang mga pulis at sinundan ito habang binabagtas ang direksyong patungo sa Rodriguez, Rizal.

Sa bahagi ng Payatas Road, napansin ng mga otoridad na ang sinusundang taxi ng Sportivo ay ang inireport na kinarnap sa bahagi ng Cubao kaninang umaga.

Ayon kay Ang, pagsapit sa checkpoint, bago pa man malapitan ng mga pulis ay agad nagpaputok ang mga suspek, dahilan para gantihan sila ng putok ng mga otoridad.

Dead on the spot ang limang suspek na sakay ng taxi at sportivo.

Inaalam pa ng QCPD ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek at kung may kinabibilangan silang grupo.

Read more...