Pangulong Duterte nag-sorry tungkol sa kanyang ‘genocide’ comment sa Myanmar

Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Myanmar State Counselor Aung San Suu Kyi sa kanyang naging pahayag tungkol sa Rohingya crisis.

Noong nakaraang linggo inilarawan ni Pangulong Duterte ang military crackdown sa Myanmar bilang ‘genocide’.

Ang naturang komento ay nakatanggap ng maanghang na kritisimo mula sa tagapagsalita ng Myanmar government at sinabing walang alam ang pangulo sa tunay na sitwasyon sa kanilang bansa.

Sa kanyang mensahe para kay Suu Kyi nilinaw ni Duterte na hindi siya nanghihimasok sa ngayo’y tinatawag niyang ‘cold war’ sa Myanmar.

Humingi siya ng paumanhin kay Suu Kyi ngunit iginiit na ang kanyang naging pahayag ay ‘satirical’ o pag-uuyam lamang.

Ayon pa sa pangulo, para sa mga bansa sa Europa ang kanyang naging komento dahil sa patuloy na pagbatikos ng mga ito sa giyera kontra droga ng administrasyon.

Sa kanyang pahayag noong nakaraang linggo, sinabi ng presidente na hindi dapat nanghihimasok ang mga bansa sa Europa sa umano’y paglabag sa karapatang pantao sa Myanmar gayong wala naman itong ginagawa para tulungan ang mga Rohinya refugees.

Ayon sa United Nations, nasa 700,000 Rohingya refugees na ang umalis ng Myanmar dahil sa umano’y ethnic cleansing na mariin namang itinatanggi ng pamahalaan ng Myanmar.

Read more...