Ramil de Jesus, itinalagang head coach ng PH women’s national volleyball team

Muling itinalaga bilang head coach ng women’s national volleyball team ang multi-awarded coach na si Ramil De Jesus.

Huling hinawakan ni De Jesus ang national team noong 2005 kung saan isa siya sa mga susi upang makuha ng Pilipinas ang bronze medal sa Southeast Asian Games.

Siya rin ang nasa likod ng halos dalawang dekadang pagdomina ng De La Salle University sa UAAP women’s volleyball.

Pormal na ipinakilala si De Jesus sa national team bago ang national team tryout sa Arellano Gym Biyernes ng hapon ng mga opisyal ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPO) sa pangunguna ni Vice President Peter Cayco.

Nag-imbita si De Jesus at ang LVPI ng 34 na manlalaro para sa tryout kahapon ngunit 16 na manlalaro lamang ang nakarating dahil sa umano’y alanganin na oras nito.

Umaasa ang bagong head coach na magiging daan ito para sa pagkakaisa sa Philippine volleyball.

Kasalukuyang naghahanda ang national team para sa magaganap na 2018 Asian Games sa Indonesia sa darating na Agosot at 2018 AVC Asian Women’s Cup sa Thailand sa Setyembre.

Read more...