Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 3,281 ang mga batang nabakunahan ng Dengvaxia ang ginamot sa iba’t ibang public at private hospitals sa bansa.
Sa nasabing bilang, 1,967 na mga pasyente ang natuklasang nagkaroon ng Dengue matapos sumailalim sa clinical at serological tests.
Nakapagtala na rin ng 65 nasawi na sumasailalim ngayon sa imbestigasyon ng DOH.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, 98 percent naman sa mga pasyenteng na-admit sa mga ospital ang nakauwi na matapos bumuti ang kondisyon.
Tiniyak naman ni Domingo na patuloy na sinasagot ng pamahalaan sa pamamagitan ng PhiHealth ang gastusin ng mga naoospital na naturukan ng Dengvaxia. Ang nalalabi pang gastusin na hindi maco-cover ng PhilHealth ay babayaran sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent Program ng DOH.
Sa ngayon nakapaglaan na ang DOH ng mahigit P20 million sa apat na rehiyon na sinakop ng anti-dengue immunization program.