Nag-uumapaw man ang kaligayahan na kaniyang nararamdaman, sariwa pa rin kay Pahima Alagasi ang mala-bangungot na karanasan sa Saudi Arabia.
Makalipas ang apat na taon, nakabalik na ng Pilipinas si Pahima sakay ng Philippine Airlines Flight PR 655.
Naging matipid si Pahima sa pagsagot sa mgato tanong sa kanya at nakiusap na lang si ACTS OFW Rep. John Bertiz na ayaw na munang magkuwento ni Pahima ukol sa kanyang naging karanasan dahil nagbabalik lang ang matinding sakit.
Ayon kay Pahima ang kanyang mga anak ay nagbigay lakas-loob sa kanya para lumaban.
Ayon naman kay Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto nakauwi si Pahima dahil kay Pangulong Rodrigo Duterte na personal na binanggit kay Saudi Prince and Interior Minister Abdulaziz Bin Saud Bin Naif ang sitwasyon ni Pahima nang bumisita ito sa Pilipinas noong Marso 19.
Personal na humarap para magpasalamat si Pahima kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at makikipagkita din ito kay Pangulong Duterte sa Davao City.
Umalis ng kanilang bayan sa Pikit, North Cotabato si Pahima noong March 2014 para itaguyod ang pamumuhay ng pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Napansin ang sitwasyon ni Pahima nang maging viral sa social media ang kanyang kuwento na binuhusan siya ng bagong kulong tubig ng amo dahil lang sa simpleng aksidente. Nalaglag ang takip ng thermos na kanyang hawak.
Ibinasura lang ng hukuman sa saudi ang reklamo ni Pahima at binalikan ito ng amo.