Travel time sa EDSA, nabawasan na ng 15 minutos- HPG

 

Inquirer file photo

Makalipas ang isang buwan nilang pagbabantay, ibinida ni PNP Highway Patrol Group na malaki na ang naging improvement sa lagay ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay HPG Chief Arnold Gunnacao, nabawasan ang travel time sa Edsa sa average na 15 minutes at nalapagpasan pa nila ang kanilang target na 10 minutes.

Gayunman, inamin ni Gunnacao na may mga pagkakataon na bumagal ang daloy ng mga sasakyan at base aniya sa kanilang obserbasyon ito ay dahil sa mga nasisiraan na sasakyan o banggaan.

Binanggit nito na sa tatlong minuto lang na pagtigil ng mga sasakyan ay humahaba na ang pila at idinagdag pa nito ang gitgitan ng mga sasakyan kaya’t minabuti nilang maglagay ng ‘segregators’ sa ilang exit points sa Edsa at maging sa mga service road gaya ng sa Cubao at Edsa-Crossing.

Sinabi pa ni Gunnacao na ang talagang sakit ng ulo nila ngayon ay mula Kamuning hanggang P. Tuazon sa Cubao area dahil sa mga bus na nag-aabang ng pasahero.

Dahil dito, plano nilang bawasan ang mga itinakdang loading and unloading time sa mga bus lalo na sa oras na halos wala namang mga sumasakay na pasahero sa mga bus.

Read more...