Sa halip na ngayong araw ng Biyernes, iniurong muli sa Lunes, October 12 ang paghahayag ng Liberal Party (LP) sa kanilang senatorial line-up.
Ngayong araw sana ng Biyernes gaganapin ang nasabing anunsyo sa Balay Headquarters ng LP sa Quezon City, ngunit ayon sa inilabas nilang pahayag, kinailangan muna nilang iurong ito dahil sa ilang pagbabagong naganap at kumpirmasyon na dapat hintayin.
Ito ay may direktang kinalaman sa hakbang ni dating Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino na kusang alisin ang kaniyang sarili sa nasabing listahan.
Bukod dito, nais rin ng LP na bigyan si Quezon City Mayor Herbert Bautista ng sapat na panahon para pag-isipan at makausap ang kaniyang pamilya hinggil sa pagtakbo niya sa senado.
Naniniwala rin sila na ang karagdagang oras na maidudulot ng pag-urong ng kanilang anunsyo ay makatutulong sa mga kandidato.
Matatandaang dapat ay iaanunsyo na nila ito noong Lunes nang pormal nilang ianunsyo ang kandidatura ni Rep. Leni Robredo sa pagka-bise presidente.