Inilunsad muna ng sikat na social networking site ang bagong mga “Reactions” button na magagamit bilang tugon sa mga naka-post sa mga wall ng mga gumagamit ng FB sa Spain at Ireland at kung magiging matagumpay ito, magagamit na rin ito sa buong mundo.
Kasama na sa mga bagong pagpipiliang mga reaksyon o ‘emoji’ bukod sa “Like” (thumbs up) ay ang “Love” (heart), “Haha” (laughing face), “Yay” (smiley), “Wow” (shocked face), “Sad” (crying face) at “Angry” (angry face).
Ang mga ito ay mapagpipilian sa pamamagitan ng pagpindot ng matagal o ‘long press sa ‘Like button.
Ayon kay Chris Cox, chief product officer ng Facebook, kanilang idinaan sa masusing pag-aaral paghahanap sa mga pinaka-malimit na reaksyon ng mga users ng FB at ang mga bagong ‘opsyon’ ang nabuo.
Gayunman, kapansin-pansin na wala sa mga bagong pagpipilian ang ‘dislike’ button na una nang hiniling ng mga FB users.
Paliwanag ni Cox, mas malawak ang opsyong kanilang nabuo na mapagpipilian ng mga users, kung ikukumpara sa ‘dislike’.
Kanila aniyang gagamitin ang magiging feedback mula sa pilot launch ng mga bagong mga ‘reaction buttons’ upang mapaganda pa ang mga naturang feature sa hinaharap.
Sakaling maging matagumpay aniya ang pilot launch, ay umaasa silang magagamit na ito ng lahat ng mga FB users sa buong mundo.
Una nang uminit ang usapin sa paglutang ng karagdagang emotional responses sa mga post sa FB bukod sa ‘like’ nang mabanggit ito ng imbentor at CEO ng social networking site na si Mark Zuckerberg noong Setyembre.