Pamilya Gordon, sasabak muli sa pulitika

 

Inquirer file photo

Nagbabalak nang bumawi at bumalik sa mundo ng pulitika ang magka-kaanak na Gordon sa darating na halalan.

Matapos ang hindi magandang epekto sa kanilang pamilya ng 2013 elections, magkakaroon ng family meeting ang pamilya para pag-usapan kung sinu-sino sa kanila ang tatakbo sa darating na halalan sa susunod na taon.

Ayon kay dating Mayor James “Bong” Gordon, sa mga susunod na araw ay makakapili na sila ng kandidatong kakatawan sa kanilang pamilya.

Maari aniyang si dating Sen. Richard Gordon na ngayo’y namumuno sa Philippine Red Cross, siya, o iba pang miyembro ng kanilang pamilya ang mapili.

Hindi naman nabanggit ni Bong kung anong posisyon ang nais nilang makuha, ngunit may ilang sources na malapit sa mga Gordon ang nagsabing may balak si Bong na muling tumakbong mayor sa Olongapo.

Dati nang naupo bilang mayor si Bong noong 2004 hanggang 2013, at tumakbong kongresista ng unang distrito ng Zambales ngunit natalo siya.

Si Richard Gordon naman na naging senador noong 2004 hanggang 2010 ay tumakbo rin sa pangpanguluhang eleksyon noong 2010 ngunit natalo. Sinubukan rin niyang bumalik sa senado noong 2013, ngunit nabigo siyang muli.

Samantala, ang anak naman ni Richard na si Brian ay tumakbo bilang vice mayor habang ang kaniyang pinsan na si Bugsy de los Reyes at tiyahing si Anne Marie Gordon ay perhong lumaban sa paka-alkalde, pero silang tatlo ay nabigong makuha ang kanilang mga target na posisyon.

Dagdag ni Bong, natuto na ang kanilang pamilya na sa kabila ng mga hindi pagkakaintindihan ay dapat pa rin silang magka-isa bilang pamilya para makamit ang tagumpay.

Read more...