Ibinunyag ng pop superstar at singer-songwriter na si Mariah Carey na siya ay nakararanas ng bipolar disorder.
Sa isang panayam para sa edisyon ng People magazine, ibinunyag ni Carey na noong 2001 pa siya na-diagnose sa naturang sakit ngunit nito lamang siya sumailalim sa gamutan.
Anya, nakuha niya ang diagnosis noong maospital matapos makaranas ng emotional at physical breakdown sa kasagsagan ng kritisismong natatanggap para sa kanyang pelikulang ‘Glitter’ noong 2001.
Inakala anya nya sa mahabang panahon na mayroon lamang siyang severe sleep disorder at sinubsob ang sarili sa trabaho.
Naging mabigat na ayon kay Carey ang sitwasyong dinadala kaya’t nagpagamot at ipinaligid sa sarili ang mga taong may positibong pananaw.
Ito anya ang dahilan para bumalik sya sa bagay na mahal na mahal niyang gawin – ang pagsulat at paglikha ng musika.
Sa ngayon anya ay maituturing na nasa mabuting lagay na siya at komportableng naibabahagi sa iba ang kanyang karanasan sa bipolar disorder.
Si Carey ang isa sa mga best-selling music artists sa buong mundo na may 200 million records na naibenta at kabilang sa kanyang mga sikat na kanya ay ang ‘We Belong Together’, ‘Emotions’, at ‘Through the Rain’.