Sen. Lacson, naniniwalang hindi tiwali si Ex-Pnoy

Tila nakahanap ng kakampi si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino sa katauhan ni Sen. Ping Lacson matapos ilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang draft ng report na nagsasabing dapat managot ang dating pangulo at kanyang mga opisyal kaugnay ng Dengvaxia controversy.

Nakatrabaho ni Lacson si Aquino sa Senado at maging sa Malacañang nang italaga ito ng dating pangulo upang pangunahan ang rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng super typhoon Yolanda noong 2013.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Lacson na mahirap para sa kanyang paniwalaan na kaya ni Aquino na masangkot sa katiwalian at korapsyon.

“Having worked closely with ex-PNoy both in the Senate and Malacañang, it is difficult for me to believe that he was capable of committing graft and corruption.” ani Lacson.

Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang komento ng senador.

Gayunman, nilinaw niyang ang kanyang pahayag ay base sa kanyang personal na paniniwala at karanasan matapos makatrabaho si Aquino sa Senado at sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

“What I’m invoking is my personal belief based on personal experiences about the former president having worked with him both in the Senate and in the executive,” ayon sa senador.

Iginiit din ni Lacson na ang inilabas ng komite ay draft pa lamang at hindi pa final committee report na ipamamahagi sa mga miyembro ng komite.

Read more...