NP sa Laguna, susuportahan si Roxas, pero hindi si Robredo

 

Inquirer file photo

Susuportahan ng mga miyembro ng Nacionalista Party sa Laguna ang presidential bet ng Liberal Party na si Mar Roxas ngunit hindi ang makakatandem nito na si Rep. Leni Robredo ng Camarines Sur.

Ito ang inihayag ni Laguna Governor Ramil Hernandez, na provincial chairman ng NP matapos ang oathtaking ng 12 mayor ng Laguna bilang mga bagong miyembro ng partido na ginanap sa Calamba City.

Paliwanag ni Hernandez, binigyan sila ng kalayaan ng NP na pumili ng susuportahang kandidato na tatakbo sa pagka-pangulo.

Dahil walang opisyal na kandidato ang NP sa pagka-presidente, kanilang susuportahan ang kandidato ng kanilang kaalyadong partido na Liberal Party na si Roxas.

Sa susuportahang vice presidential candidate, ipinaliwanag ni Hernandez na dahil tatlo sa mga kaanib ng NP ay tatakbo sa naturang posisyon, malabong suportahan nila ang kandidatura ni Robredo.

Kabilang sa mga tatakbong vice president na miyembro ng NP ay sina Sen. Allan Peter Cayetano, Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at Sen. Antonio Trillanes IV.

Samantala, kung naging kontrobersyal ang mass-oathtaking ng mga bagong LP members sa Sta. Cruz, Laguna noong nakaraang linggo dahil sa malaswang sayaw ng grupong ‘Playgirls’, matuturing na normal naman ang entertainment sa okasyon sa Calamba, Laguna kahapon.

Wala nang ‘twerking’na naganap at sa halip, pawang mga ‘hip-hop’ na sayaw na lamang ang nagsilbing ‘intermission’ sa seremonya.

Read more...