Tiniyak ng Smartmatic-TIM na imposibleng maganap ang hacking sa gagamiting optical mark readers (OMR) sa Eleksyon 2016.
Ipinaliwanag ni Marlon Garcia, Project manager ng Smartmatic-TIM, may mga inilatag na silang safeguard para matiyak ang seguridad at integridad ng sistema.
Kabilang na rito ang pagsasailalim sa source code sa pagsusuri ng SLI Global Solutions, isang international certification entity, na tutukoy sa mga tinatawag na vulnerability na maaring makakaapekto sa sistema.
Anuman aniya ang makita ng SLI na maaring makaapekto sa integridad ng OMRs ay agad na tutugunan ng Smartmatic-TIM.
Dagdag pa ni Garcia, hindi ikakabit ang mga makina sa alinmang network na hindi pinapayagan ng developer at tanging mga “allowed device” lamang ang gagamitin o papayagang ikabit sa makina.
Para kay Garcia, imposibleng mangyari ang hacking at aabutin pa ng 20 taon bago ito magawa, maliban na lamang kung magkakaroon ng sabwatan na malabo rin umanong maganap.
Bukod sa pagsusulong ng transparency, layunin din ng source code review na masubok at matiyak ang integridad, reliability at accuracy ng OMRs.
Ginanap ang source code review ng siyam na grupo kahapon sa La Salle Taft sa Maynila kung saan ang bawat partidong nagpa-accredit sa Comelec para masuri ang source code ay may kani-kaniyang IT experts na dumating para mas maunawaan ang mga technical issues sa source code.