Sinabi ng Supreme Court na hindi malalagay sa alanganing sitwasyon ang national security kapag inilabas ng pamahalaan ang record kaugnay sa war on drugs ng administrasyon.
Ito ang sagot ng Mataas na Hukuman sa naging argumento ni Solicitor General Jose Calida na hindi pwedeng ilabas ang detalye sa operasyon ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Sa inilabas na 52-page notice ng Supreme Court, nakadetalye dito ang pagbasura sa apila ni Calida na hindi dapat isumite sa mga mahistrado ang ilang mga drug-related records na hawak ng pamahalaan.
Tinawag rin ng mga mahistrado na isang malaking kalokohan ang sinabi ng Solicitor General na pawang mga sensitibong impormasyon ang laman ng naturang ulat.
Dagdag pa ng Supreme Court, “There is no showing that the country’s territorial integrity, national sovereignty, independence, or foreign relations will be compromised or prejudiced by the release of these information and documents to this Court or even to the public”.
Nilinaw rin ng Supreme Court na ang hinihingi nilang impormasyon ay walang kinalaman sa mga sensitibong isyu tulad ng invasion, rebellion, espionage, terrorism, military o kaya naman ay diplomatic secrets na pwedeng maglagay sa bansa sa isang alanganing sitwasyon.
Nauna nang hiningi ng ilang ilang mga mahistrado ng SC ang record ng gobyerno sa kanilang anti-drug campaign mula July 1, 2016 hanggang Novermber 30, 2017.
Ito ay base na rin sa petisyon ng ilang mga grupo na kumukwestyon sa war on drugs ng pamahalaan na idinudugtong naman sa extra-judicial killings.