Plano ngayon ng Mining Industry Coordinating Council o MICC na palawigin pa ang kanilang ginagawang ‘fact-finding and science-based review’ sa lahat ng minahan sa bansa.
Ayon kay Department of Finance Undersecretary Bayani Agabin, oras na makumpleto ang pag-aaral sa 26 na mining sites, palalawakin pa ang inter-agency body ang kanilang ginagawang audit sa natitira pang 70 mining operations.
Sinabi ni Agabin na nais ng MICC na padaliin ang ‘review process’ upang kaagad madetermina ang “economic, social, technical’ at legal na aspeto ng mga operasyon ng pagmimina.
Gayunman, sinabi ng opisyal na sakop lamang ng pag-aaral ang mga minahan na mayroong ‘large-scale operations’.
Gagamitin anya ang magiging resulta ng pag-aaral sa mga gagawing polisiya at regulasyon sa sektor ng pagmimina.
Samantala, hindi pa naman tapos ang ginagawang ‘review’ sa 26 na mine sites na ipinasara o kaya naman ay sinuspinde ang operasyon noong nakalipas na taon at inaasahang maisusumite ang resulta nito bago matapos ang kasalukuyang buwan.