Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Philippine National Police Anti-Kidnapping Group Head Sr. Supt. Glenn Dumlao, sinabi nito na nalaman nilang hindi negosyante si Ronaldo De Guzman Arguelles kundi may kinasangkutan itong kaso na may kinalaman sa droga.
“Na-find out namin na nakalabas siya ng kulungan nakapag-bail sa drug case niya. Nasangkot siya nakasuhan noon hindi lang minsan tatlong beses at nakapag-bail siya tapos ang nag-ransack sa kanya ay nagpakilalang PDEA agent kaya alam na namin na yung sa drug ang anggulo.” ani Dumlao.
Mula sa Candelaria, Quezon ay dinala si Argullees sa Sto.Tomas, Batangas kasama ang sasakyan nito. Pagkatapos nito ay nanghingi na ng ransom ang mga suspects na 700,000 pesos, dahilan kaya nagsumbong na ang pamilya sa pulisya.
Ayon kay Dumlao, bilang standard operating procedure ay pinare-recall ang mga pulis na hindi na naka-duty oras na may malaking kaso o operasyon dahil prayoridad ang kaligtasan ng kidnap victim.
Sa gitna ng operasyon ay natunugan ng mga suspects na may mga pulis at ito ang mga unang nagpaputok sa mga otoridad. Sumunod na ang palitan ng putok na ikinamatay ng limang suspects at isang pulis at pagka-sugat ng apat pang pulis.
Giit ni Dumlao, ang napatay na mga suspects ay mga hard-core na mga kidnapper kung saan ang lider nila ay nakakulong na at ang mga ito ay nagpapanggap na mga pulis o PDEA agents.
Ikinalungkot ni Dumlao na nalagasan nila sa operasyon. Ang nagpanggap anya na misis ng biktima ay ang babaeng pulis na si PO1 Sarah Jane Andal na napatay sa engkuwentro.
“Ganoon din itong si Sarah Jane Andal day off na niya pero dahil sa tawag ng tungkulin she assumed the tasking na binigay sa kanya ng Commander niya at iyon ang nakakalungkot kahit nabuwag natin ang isang malaking grupo ay nawawalan ng saysay iyon kapag may nasusugatan o namamatay na tropa hindi na maibabalik iyon hindi na bale iyong kriminal mamatay wag lang iyong pulis na ganoon biro mo batang bata.” dagdag pa ni Dumlao.