Japanese national na dinukot sa Maynila nailigtas ng PNP-AKG

Photo: Mark Makalalad

Tagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police (PNP-AKG)) ang isang Japanese National na dinukot noong March 22, 2018 sa isang hotel sa Ermita, Maynila.

Sa press briefing na isinagawa sa Camp Crame, ipirinsenta ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang hapon na narescue na si Yuji Nakajima, 32 taong gulang.

Si Nakajima ay dumating sa bansa kasama si Yusuke Obar mula sa Tokyo, Japan sa nasabi ring petsa.

Ihahanap umano ng trabaho ni Obar si Nakajima para makabayad ito sa kanyang pagkakautang.

Ilang oras makaraan itong dumating sa bansa ay sinundo umano ng ilang kalalakihan sa hotel ang biktima base na rin sa naging kautusan ni Obar.

Ayon kay Dela Rosa, mismong Japanese Embassy ang nagpasaklolo sa kanila na tumakas papunta ng Pilipinas ang suspek na hinahanap nila.

Agad namang tumugon ang AKG at pasado alas-3:00 ng hapon kahapon ay nagsagawa ng operasyon ang AKG kung saan natunton ang biktima sa Plaridel, Bulacan.

Matapos nito ay nagsagawa naman ng follow up operasyon ang PNP na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng mga suspek na sina: Roberto Reyes, 54, Reggie Reyes, 47 at Mr. Miyashita Takashi, Japanese national at isa ring fugitive.

Mahaharap sa serious illegal detention at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang mga suspek.

Pinaghahanap pa rin ng mga otoridad si Obar na sinasabing posibleng mastermind sa krimen./

Read more...