Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang dapat ikabahala ang mga residente ng Boracay sa posibleng pagtaas ng krimen sa napipintong pagasara ng isla.
Ayon kay PNP spokesman CSupt. John Bulalacao, pananatilihin ng PNP ang katahimikan at kaayusan sa Boracay habang gumugulong ang rehabilitasyon.
Paliwanag niya, naipadala ng PNP ang mga karagdagang pulis sa lugar para i-enforce ang closure order at magbantay sa posibleng pagsasamantala ng mga magnanakaw.
Maliban dito ay binabantayan din nila ang mga nakaambang kilos-protesta.
Samantala, itinalaga ni PRO6 Regional Director CSupt. Cesar Hawthorn Binag si PRO6 Deputy Regional Director PSSupt. Jesus D. Cambay Jr. bilang commander ng the Metro Boracay Task Force (MBTF).
Si Cambay ang mamununo sa 610 personnel ng Police Regional Office 6 (PRO6) na idedeploy sa Boracay buong panahon ng rehabilitasyon.