Reclamation sa Masinloc coal-fired plant ipinahinto ng DENR

Sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources ang reclamation na ginagawa ng operator ng Masinloc coal-fired plant sa Zambales.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, kinakitaan nila ng mga paglabag ang Alpha Water Realty Services Corporation sa expansion project sa bisinidad ng Masinloc Oyon Bay Marine Reserve.

Sinabi ni Cimatu na muli nilang pag-aaralan ang pagsunod sa mga ‘requirements’ ng kumpanya habang suspendido ang paggawa sa proyekto.

Hindi anya nila hahayaan ang ginagawang paglabag ng sinuman sa ‘environmental laws’ nang hindi pinapanagot sa batas.

Nabatid na natuklasan ang paglabag ng Alpha Water habang nagsasagawa ng ‘verification survey and site assessment’ ang DENR sa lugar na sakop ng kumpanya.

Sa ‘compliance monitoring report’ nakasaad na nagsagawa ng hindi awtorisadong ‘reclamation’ ang Alpha Water sa gitnang bahagi ng ‘small craft jetty’ sa timog-kanluran ng planta.

Nabigo rin ang kumpanya na magsumite ng ‘permit’ para sa ginagawa ng mga itong paghuhukay at ‘reclamation operations’ gayundin ang konstruksyon ng ‘seawall’.

Inatasan naman ng DENR ang kumpanya na ayusin ang nasirang lugar ng Masinloc Oyon Bay Marine Reserve.

Read more...