China magbibigay ng dagdag na P500 Million para sa Marawi City

Inquirer file photo

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may karagdagang P500 Million na ayuda na ibibigay ang China sa Pilipinas para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Gayunman, hindi na nilinaw ng pangulo kung ito ay sa piso o sa dolyar.

Sa talumpati ng pangulo sa Davao International Airport bago dumalo sa Boao Business Forum sa China, sinabi nito na nagpapasalamat siya sa Chinses government sa nasabing tulong sa bansa.

Kasabay nito, umaapela ang pangulo sa mga Maranao na maghintay muna ng kaunting panahon bago simulan ang rehabilitasyon.

Ayon sa pangulo, kailangan muna kasing linisin ang Marawi City lalo na ang downtown area sa mga naiwang pampasabog bago pagtayuan ng mga bagong gusali.

Nakiusap din ang pangulo sa mga Maranao na huwag magpa-udyok sa mga makakaliwang grupo na hindi papayagang makapasok sa Marawi City.

Hindi aniya dapat na magbigay ng kondisyon ang mga Maranao dahil gobyerno ang masusunod sa gagawing rehabilitasyon.
Nanindigan pa ang pangulo na tuloy ang pagtatayo ng military camp sa Marawi City.

Dagdag pa ng pangulo, “You can rebuild it with how many billions? Just stay put. Kung wala naman kayong pera at wala naman kayong plano, leave it to government”.

Read more...